Thursday, March 30, 2017

                                                               Saksi ang Lupa
Ako ay hanga sa 84 na taong gulang na si lola Oris Leyola na sa kabila ng kanyang edad, siya ay malakas pa. Ito ay dahil sa disiplina sa pagkain at sa uri ng kanyang pamumuhay. Malugod niya akong tinanggap sa kanyang tahanan, na nasa gitna ng matatayog na puno ng niyog.
Gaano na po kayo katagal na naninirahan dito?
"May 68 taon na ineng."
Sino po ang kasama n'yo dito sa bahay?
"Ang lahat ng aking mga anak ay may kanya-kanya nang pamilya at isa sa kanila ang bumibisita sa'kin tuwing gabi."
Aking napag-alaman na ang lupang kanyang tinitirhan ay nasa kanyang pangangalag lamang at ito ay pag-aari ng isang mayamang angkan. Sa kasagsagan ng aking pagtatanong , ay bigla na lamng siyang naglahad ng kwentong kanyang kabataan.
" Sa aking pagdadalaga ineng ay nasaksihan ko ang kalupitan ng mga Hapon sa ating kababayang mga Pilipino. Wala akong kaalam-alam sa mga nangyayari sapagkat inosente pa ako noon."
Sinabi niyang may mga pagkakataong sila ay nag-uunahang tumago dahil parating na ang mga Hapon na tipong kahit sa oras ng kanilang pagkain ay iniiwan nila ito sa mesa para lang makapagkubli. Sila ay bumabalik na lamang kapag wala na ng mga ito.
Ano po ang naranasan o nasaksihan ninyong mga kalupitan noong panahong 'yon?
" Hindi ko makalilimutan ang isang lalaki noon na nagnakaw ng manok. Binugbig siya ng mga Hapon bilang parusa. Pinugutan ang manok at isinabit ito sa kanyang leeg kasama ang plakard na may nakasulat na " ako ang magnanakaw ng manok ." Pagkatapos, siya ay ipinarada sa buong baryo upang hiyain habang siya ay kinakaladkad. Kasabay pa ito sa saliw ng tugtog ng mga tambol."
Noong una, ang akala ni lola ay may kasiyahang nagaganap. Sinasabayan pa nga niya ng pag-indak ang tunog, ngunit kalaunanay nakita niya ang pagpapahirap sa naturang lalaki at bigla siyang nakaramdam ng takot. Kaya noon, bihira ang kaso ng pagnanakaw.
Paano po kayo nakipagsapalaran noon?
"Sobrang hirap ng buhay noon ineng, halos walang maisuot at walang makain. Tanging mais lamang ang nasa aming hapag. Ngunit dahil sa sipag ng aking ama, siya ay nakikipagtaniman sa mayayamang malaki ang palayan. Kaya kalaunan ay nakakain na rin kami ng kanin."
Dumating ang panahong tayo'y tinubos ng Amerikano at nagpatuloy ang pagdurusa ng mga Pilipino dahil mayroon din silang taglay na kalupitan. Nariyang walang awa silang binabaril na parang hayop sa kaunting pagkakamali lamang. Ang mga Amerikano raw noon ay mababaitvsa mga bata. Binibigyan sila ng malalaking tsokolate, krndi, at mga de latang pang-ulam. Naranasan ito ng nakababatang kapatid ni lola.
Paano n'yo po sinimulan ang inyong buhay pag-ibig?
"Noong minsang ako ay dalagita na, ay natipuhan ako ng isang sundalong Amerikano. Lagi siyang sumisilip sa amin at pasimple akong inaabutan ng mga tsokolate ngunit may nobyo na ako noon."
Nag-asawa siya sa edad na labing anim habang ang kanyang asawa naman ay 17 taong gulang. Pagkatapos nilang ikasal ay sinundovtaw sila ng isang mayamang may ari ng lupain at sila ay pinagtanim ng iba't ibang gulay at halamang kanilang ikinabuhay tulad ng niyog, saging, palay, at mais. Pagkatapos, naatasan silang manirahan at bantayan ang isang bahagi ng lupain sa Isabang, Lucena City.
Ano pong pakiramdam na sa pitong anak na mayroon kayo ay isa na lamang sa kanila ang madalas n'yong nakakasama?
"Nalulungkot ako ineng kasi sa lupang ito na aking inalagaan sa maraming taon, dito sila lumakiat nagka-isip, at ngayon ako ay nag-iisa na lang. Matagal na akong balo."
Bago ako umalis ay nagpasalamat muna ako kay lola dahil sa pagpapaunlak niya sa aking ginawang interview.
Habang ako ay nasa daan pauwi ay naisip ko na sa aking pag-alis bilang isang bisita, ay haharaping muli ni lola Orisang pag-iisa; kasama ang kanyang mga panamim na nag-uunahang tumubo sa lupang kanyang inaalagaan hanggang ngayon, na nagung saksi sa lahat ng kanyang pinagdaanan.

No comments:

Post a Comment