Tuesday, February 7, 2017

                                                               "Taklob"





    Sadyang tayo'y makasasabay sa mga eksenang ipinakita sa pelikula. Lahat nakararanas ng mapait na tadhana tulad ng masunugan ng bahay, mawalan ng mahal sa buhay, mangulila sa anak, o ipagpalit sa iba ng sariling asawa. Minsan na akong lumuha sa mga ganitong uri ng sitwasyon dahil ang ilan sa mga ito ay aktuwal ko nang naranasan o kaya nama'y ng aking pamilya.

    Ang pelikula ay tunay na buhay dahil totoong hindi lahat ng kwento ay may "happy ending," madalas ay iiwan tayong lutang sa kawalan.

    " Kamusta naman po kaya Mang Renato? "
" Eto tinatanggap ang katotohanang mag-isa na lang ako sa buhay,minsan nga hinihiling ko na sana tangayin na lang ako ng alon, tutal wala naman akong ibang mapupuntahan." Karaniwang salitain ng mga taong masaklap ang naranasan at tuluyan nang nawalan ng pag-asa para mabuhay.

    Binibigyang - pansin ng pelikula ang kalimitang kaganapan sa ating lipunan. Sa dinami - rami ng taong nasalanta ng bagyong Yolanda ay mas pinili ang mga kwento nina Bebeth, Larry, Carlo, at Renato dahil ang mga ito ang pinakatagos sa tao. 

    Mahirap gumawa ng isang film na magulo ang galaw ng kamera, marahil maipagkakamali ito ng iba na masakit sa mata. Ngunit lamang nitong ipaunawa sa mga manonood na ang kamera mismo ang mata ng mga manonood. Kapag tayo'y tumitingin, ang ating mata'y hindi lamang nakatuon sa isang bagay. Malikot itong nagmamasid sa paligid.

    Napakasakit ang masunugan ngunit wala nang mas hihigit pang sakit sa katotohanang kasamang natupok ang 'yong buong pamilya tulad ng nangyari kay Mang Renato. Mabigat din sa loob ang sumuko sa pananalig sa Diyos katulad ni Larry. 

    Marami tayong natutunghayang ganito, araw-araw na laman ng balita't pahayagan na pawang dinelubyo ng kalamidad at reyalidad.

    Sa mga partikular na nangyari sa pelikula, kabiguan lahat ang dala. Hindi natin masasabing sa buhay lahay ay maganda dahil karamiha'y pagsubok tulad ng nais ipabatid ng direktor na si Briliante Mendoza. Talagang maituturing na suliranin ang humuhulma sa reyalidad.

    "Taklob ang pamagat hindi lamang dahil sa Tacloban ito naganap kundi ipinahihiwatig din nito na taklob tayo ng nakaraan. Mananatili ang alaalang mapait dahil hindi madaling kalimutan ang sakit. 

    Hindi birong danasin ang mawalan, mamatayan, o ang maiwan man dahil dala nito ang salantang puso at buong pagkatao, mga sugat na hindi madaling maghilom.

No comments:

Post a Comment