Monday, February 13, 2017

                                  Pang araw-araw na buhay ng isang Extended family



Para sa isang magulang , nagsisikap itaguyod ang pamilya  sa kanyang sarili at makabuluhang pamamaraan.
Hangad na makatulong at makapagpasaya para sa kanyang anak.  




Para sa isang Padre de Pamilya, pagod man sa paghahanap-buhay ngunit uuwing patuloy na dala ang dignidad sa trabaho. 



Para sa magkaka-pamilya, nagbibigayan kahit anong hamon man ang dumating, nand'yan pa rin sa isa't isa. 



Para sa isang anak, na sa murang edad hangad ay tumulong kahit sa maliit na paraan. 



Para sa pitong taong gulang na bata,katulad ng pagdilig sa bawat dahon ay makulay ang buhay.



Para sa isang anak na nagmamalasakit  sa hayop at ang turing sa kanila'y tunay na alaga at "companion."


Para sa isang ama na galing sa pamamalengke, inuuwi sa kanyang pamilya ang bunga ng kanyang pawis at hirap. 
  


Para sa isang kuya , na inihahanda ang uniporme sa pagtatatrabaho upang matulungan ang kanyang mga magulang sa pagtataguyod ng sambahayan.

 

Para sa isang lolo, bawat pagkukumpuni ay katumbas ng kagustuhang matapos ang araw ng makabuluhan.


para sa mga anak na walang muwang sa mundo at ang unang hinaharap ay puro kasiyahan.



Sunday, February 12, 2017

                                 Ang Panawagang Kumalas sa Mahigpit na Kadena 

    Tutok na tutok ang maraming kabataan sa ginanap na film showing sa ikatlong palapag ng Pacific Mall sa Lucena City, dakong alas-dos ng hapon, Sabado. 

    Bahagi ito ng Arts for Human Rights sa pagdiriwang ng "Human rights day"na ayon sa isang tagapagsalita ay ipinagdiriwang din ng buong mundo. Dagdag pa niya pagkatapos ng palabas, ipinakita raw ng pelikula kung gaano kahirap ang pagkilos noong panahon ng mga Hapon dahil walang kalayaan at ang nais lumaban ay nakikibaka nang patago. 

    Kitang-kita sa haligi ng mall ang iba't ibang larawan na may kaugnayan sa karapatang pantao, na kinaumagahan din ng petsang 'yon idinisplay para sa panimula.

    "Disiotso anyos na ako, taong 2015 ako lumahok sa EU Bahaghari. Bale tatlong taon na rin akong kasapi nito,"aniya. 
    "Paano n'yo, Kuya, naihanay ang ganoon kalalim na na mga salita?" tanong ko. 
    "Dapat ay natututo tayong alamin ang nangyayari sa bansa dahil bilang kabataan, hindi lamang umiikot ang ating buhay sa paaralan at tahanan. Hindi sa ballpen at kapirasong papel lang."
    Kasabay ng pagsasalita ng speakers ng iba't ibang organisasyon, ay ang live painting o pagpipinta ng mga local artists. Kinuha ko na ang pagkakataong 'yon para makapanayam ang isa sa kanila. 

    Si Jasmine Lacerna, 20. "Taong 2013 ako nagsimulang magpinta nang may kinalaman sa karapatan at hustisya, pero bata pa lang ako, hobby ko na ang pagpipinta ng tao o kaya nam'y kalikasan, " aniya. "Marami napo ba kayong napuntahang lugar?" tanong ko. 

    "Sa totoo lang, nililibot namin ang buong Pilipinas, sa Maynila, sa mga probinsya. Napuntahan na rin namin ang Hacienda Luisita, na kung saan nakausap ko mismo ang ilang magsasaka doon at kung gaano lang sila kadaling manakawan ng lupa."

    "Nanggaling na rin kami d'yan sa Tayabas na pinangyarihan ng demolisyon. May nakausap kaming matandang mag-asawa na wala sila noong panahong giniba ang kanilang bahay. Nagkalat ang gamit nila at ang iba'y  nasira nang sila'y dumating. 
    Aniya'y 30 taon na silang naninirahan doon," dagdag niya. 
    "Masaya at magaan sa loob kapag nakakapagpinta ako dahil naipaparamdam ko ang naipaparamdam ko ang aking simpatya sa mga nanakawan ng karapatan."

    Sa kasagsagan ng pagsasalita ng isang speaker ay pumukaw sa atensyon ng marami ang pagtatalakay sa sistema ng pamamahala ngayon. Ayon sa nagsasalita, may bilang 5,800 na ang namamatay sa extra-judicial killings na mas marami pa sa 3,600 na biktima na namatay sa Martial Law. Dagdag pa niya, isinusulong na raw sa kongreso ang pagbabalik ng death penalty kasabay ng ginagawang batas upang ibaba ang criminal liability sa gulang na siyam. 

    Sabi pa, karapatan daw ng bawat taong magkaroon ng desenteng pamumuhay, tahanan, at impormasyon. Hindi raw mararamdaman ng tao ang halaga ng kalayaan kapag hindi pa ito tuluyang nawawala.

   Di nagtagal ay isang manunulat ng kataga naman ang hiningian ko ng interbyu. " Nagsimula akong magsulat noong 2014, ani Mark Bringel, 20.

    "Ano po ang inyong mga isinusulat ?" tanong ko. "Nagsusulat ako ng tula tungkol sa pag-ibig at kwento ng mga marginalized peopleo 'yong mga taong pangkaraniwan lang na hindi napapansin sa lipunan. Kasamahan ko rin dito si Alvin Ursua na manunulat din sa kataga," sagot niya. "Ano pong nais nyong iparating sa mga kabataang gusto ring magsulat?" kasunod kong tanong. 
    "Bago ka maging writer, maging tao ka muna. Si Alvin ang nagsabi sa'kin n'yan at totoo."

    Habang nagmemeryenda ang ilang mga kasapi ng EU Bahaghari ay nakapanayam namain si Aaron Bonette, 22, kasalukuyang Nat'l secretary General ng EU Bahaghari. 

    "Last 2013, kasama ako sa mga estudyanteng bumuo ng Bahaghari. Kami ang nagtayo 
ng 1st LGBT organization sa Enverga University. Ngayon ako ang nagsusupervise sa buong 30 chapters nito sa Pilipinas. 

    Gusto n'yo pong sabihin. Kayo na mga kabatan na katulad ko rin na isang 'bakla' o mapatomboy man, tayong lahat ay parte ng lipunan. At ang lipunan natin ay nangangailangang punan ang mga panawagan na isulong ang karapatan ng bawat isa. 

    "Makikita nating di pa rin nawawala ang diskriminasyon sa LGBT. Kung mapapansin natin 'yong nangyari kay Jennifer Laude last 2014, siya ay nilunod sa inidoro, sinakal, at pinatay ng kanong navy. Noong taon ding iyon ay 33 beses na sinaksak si Jennifer Ononuevo na taga- Tayabas. Isa rin siyang transgender. 

    "Sa amin sa LGBT community makakamit lang namin 'yong rights namin kung may equality," Dagdag niya, isipin daw ng tao ang kani-kanilang limitasyon dahil habang nag-eevolve ang mundo ay ganoon din daw ang creativity ng isang tao.

    "Gamitin natin ang kanya-kanyang kaalaman para isulong ang ating karapatan."

    Ilang minuto pa ay malapit nang matapos ang isang speaker sa unahan at kalauna'y nilapitan ko s'ya. May maipapayo po ba kayo sa mga kabataan patungkol sa karapatan?
    "Makinig ng balita, manood ng TV, Magbasa ng dyaryo , bumuo ng kanyang opinyon at magsalita," ani German Mercado, 55, miyembro ng Akbayan Partylist. 

    Kayong mga bata, hindi dapat maging passive kasdi pinalaki kayo sa ganoong kultura. Laging may authority. Hindi naman natin sinasabing sa lahat, sila ay dominante. Kaya lang, kaya nga kayo pinag-aaral, para maassert n'yo kung ano sa tingin nyo'y tama."

    "Prove your word, prove your point. Huwag maging bulag na tagasunod kasi hindi lahat ng awtoridad, tama."

    Ibinigay n'yang halimbawa ang nangyayari ngayong giyera sa droga tulad ng kaso sa pagpatay kay Mayor Espinosa. Nasabi ring hanggang ngayon ay wala pa rin ni isang napapatay na drug lord.

    "Dati, ang sinasabi ng batas, "to prove beyond reasonable doubt," bago ka mahatulan dahil may rehabilitasyon 'yong tao. Ngayon, inaakusahan ka pa lang, pinapatay ka na." 

    "Hindi ganito ang nais nating lipunan na pinamamayanihan ng karahasan. Kaya may mga taong hindi makapagsalita dahil takot." 

    Si German ay may apat na anak at lahat sila'y guro. Pinalaki niya silang marunong mag-analisa at maging mapanuri sa mga kaganapan.

    Maya-maya pa ay unti-unti nang nauubos ang mga dumalo sa nasabing pagtitipon, ngunit mayroong ilang hindi natinag ng gabi. Naglagay ng itim na tali sa ulo, nasgsindi ng kandila, at sumama sa mga taong sumisigaw ng...

   "Ipaglaban! Karapatan, Karapatan!..."

Tuesday, February 7, 2017

                                                               "Taklob"





    Sadyang tayo'y makasasabay sa mga eksenang ipinakita sa pelikula. Lahat nakararanas ng mapait na tadhana tulad ng masunugan ng bahay, mawalan ng mahal sa buhay, mangulila sa anak, o ipagpalit sa iba ng sariling asawa. Minsan na akong lumuha sa mga ganitong uri ng sitwasyon dahil ang ilan sa mga ito ay aktuwal ko nang naranasan o kaya nama'y ng aking pamilya.

    Ang pelikula ay tunay na buhay dahil totoong hindi lahat ng kwento ay may "happy ending," madalas ay iiwan tayong lutang sa kawalan.

    " Kamusta naman po kaya Mang Renato? "
" Eto tinatanggap ang katotohanang mag-isa na lang ako sa buhay,minsan nga hinihiling ko na sana tangayin na lang ako ng alon, tutal wala naman akong ibang mapupuntahan." Karaniwang salitain ng mga taong masaklap ang naranasan at tuluyan nang nawalan ng pag-asa para mabuhay.

    Binibigyang - pansin ng pelikula ang kalimitang kaganapan sa ating lipunan. Sa dinami - rami ng taong nasalanta ng bagyong Yolanda ay mas pinili ang mga kwento nina Bebeth, Larry, Carlo, at Renato dahil ang mga ito ang pinakatagos sa tao. 

    Mahirap gumawa ng isang film na magulo ang galaw ng kamera, marahil maipagkakamali ito ng iba na masakit sa mata. Ngunit lamang nitong ipaunawa sa mga manonood na ang kamera mismo ang mata ng mga manonood. Kapag tayo'y tumitingin, ang ating mata'y hindi lamang nakatuon sa isang bagay. Malikot itong nagmamasid sa paligid.

    Napakasakit ang masunugan ngunit wala nang mas hihigit pang sakit sa katotohanang kasamang natupok ang 'yong buong pamilya tulad ng nangyari kay Mang Renato. Mabigat din sa loob ang sumuko sa pananalig sa Diyos katulad ni Larry. 

    Marami tayong natutunghayang ganito, araw-araw na laman ng balita't pahayagan na pawang dinelubyo ng kalamidad at reyalidad.

    Sa mga partikular na nangyari sa pelikula, kabiguan lahat ang dala. Hindi natin masasabing sa buhay lahay ay maganda dahil karamiha'y pagsubok tulad ng nais ipabatid ng direktor na si Briliante Mendoza. Talagang maituturing na suliranin ang humuhulma sa reyalidad.

    "Taklob ang pamagat hindi lamang dahil sa Tacloban ito naganap kundi ipinahihiwatig din nito na taklob tayo ng nakaraan. Mananatili ang alaalang mapait dahil hindi madaling kalimutan ang sakit. 

    Hindi birong danasin ang mawalan, mamatayan, o ang maiwan man dahil dala nito ang salantang puso at buong pagkatao, mga sugat na hindi madaling maghilom.

Sunday, February 5, 2017

Kasaysayan ng sanaysay

       Ipinahayag ni Alejandro G. Abadilla na ang sanaysay ay nagmula sa dalawang salita, ito ang sanay at pagsasalaysay o ang "nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay." Maituturing natin itong panitikang tuluyan na naglalahad ng kuru-kuro,damdamin, kaisipan at saloobin ng manunulat tungkol sa makabuluhan at napapanahong isyu. Dagdag pa niya, mahalaga ang pagsusulat at pagbabasa ng sanaysay sapagkat natututo ang mga mambabasa mula rito.

       Itinuturing na sanaysay ang talambuhay dahil nagsasaad ito ng kasaysayan ng buhay ng isang tao. Hindi lamang nito sakop ang kapanganakan at kamatayan bilang upang paksa. Isinulat din ang mga talambuhay upang magsilbing gabay ng mga mambabasa sa kanilang pamumuhay. Binibigyang pansin nito ang mga katangiang dapat tularan at iwasan. Nagbibigay impormasyon din ito tungkol sa buhay ng paksa.

        Ayon kay Nenita Pagdanganan - Obrique, "ito ang nagsisilbing makinarya sa pangangalat ng mga akdang babasahin. Ginawa ito para mas maunawaan ng mga mambabasa ang mga isinulat. Naging daluyan ng ideolohiya ang sanaysay dahil karaniwang paksain nito ay pumapatungkol sa pulitika, relihiyon, teknolohiya, at iba pa. 

     Nilikha ang sanaysay upang ibahagi sa tao ang pananaw ng may katha. Maaaring ang manunulat ay  pumuna,  magbigay - opinyon at impormasyon,  maglahad ng obserbasyon, pagtalakay sa araw - araw na pangyayari, pagbabalik - tanaw sa nakaraan o pagmumuni. Isang uri ito ng pakikipag-komunikasyon sa pamamagitan ng lathalain na may nais ipabatid sa tao.

    Naging malaking kontribusyon ng sanaysay ang mga naililimbag na akda tungkol sa pagsasa-Kristiyano ng mga katutubo noon. Sa pamamagitan nito , ay naikalat ang mga anekdotang moral, himno, at pagpapaliwanag ng mga prinsipyong Katolisismo. Sa ilalim ng pananakop ng mga Kastila, marami sa mga katutubo ang pinaslang, pinagbayad ng mataas na buwis, at nabiktima ng forced labor. Dahil dito, naging daluyan ng obserbasyon ang mga pahayagansa pamamagitan ng iba't-ibang anyo ng sanaysay tulad ng tudling, liham, lathalain, dyornal, talaarawan at sermon. 

       Ang pormal na sanaysay ay pinag-aralang mabuti ng sumulat. Nagbibigay impormasyon ito tungkol sa isang bagay, hayop, lugar at pangyayari. Nasa pagkakasunud-sunod ang mga mahahalagang kaisipan upang lubos na maunawaan ng mambabasa, at umaakma ang salita sa isyung napili. Samantala, ang di - pormal na sanaysay ay nagtataglay naman ng opinyon at paglalarawan. Lahat ng ito ay tumutukoy sa mga pangyayari sa kapaligiran at sa mismong karanasan ng sumulat. 

       Ang malikhaing sanaysay ay pumupukaw sa interes ng mga mambabasa dahil gumagamit ito ng teknik ng maikling kwento. Hindi ito nakaiinip basahin at maituturing na "relatable" para sa mga mambabasa. 

     Para kay Gutkind, kinakailangang taglayin ng sanaysay ang mga sumusunod:pagsasabuhay at pakikipamuhay sa realidad ng sinusulat; pananaliksik sa napiling paksa; pagninilay sa nakalap na datos; pagbabasa ng mga teksto at ang mismong pagsusulat. Para naman kay Gerard, una, mayroon itongmalinaw na sabjek. Pangalawa, ito ay napapanahon. Pangatlo, pagsasalaysay ng magandang kwento at huli, pagmumuni-muni ng may akda.

    Ang blog ay isang website na parang isang talaarawan. Ang mga bloggers o ang mga taong nagsusulat sa blog ay kalimitang isinusulat ang kanilang opinyon. Ang ilan naman ay ginagamit ito bilang online diary kaya ang blog ay interaktibo sa mga gumagamit.